Wala umanong katotohanan ang kumakalat na balitang tatamaan ng sabay-sabay na bagyo ang Pilipinas sa darating na Huwebes, Hulyo 24, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Sa latest Facebook post ng DOST-PAGASA nitong Martes, Hulyo 22, pinabulaanan nila ang post na mula sa isang FB page na may pangalang “Bulacan RC Crayfish.”
“HINDI TOTOO ang kumakalat na impormasyon na may anim na bagyo na papasok sa Pilipinas ngayong Linggo,” saad ng PAGASA.
Dagdag pa ng ahensya, “Maling impormasyon din ang suspensyon ng klase na iniuugnay dito.”
Kaya naman pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na ugaliin laging iberipika sa kanilang opisyal na website at social media page ang mga nababasang impormasyon.
Bagama’t walang anim na bagyong magkakasabay na tatama sa bansa, binabantayan naman ng PAGASA ang tatlong low pressure area (LPA) na may potensyal na maging tropical depression sa susunod na 24 na oras.
MAKI-BALITA: 3 LPA na! Panibagong LPA sa labas ng PAR, minomonitor ng PAGASA