Diretsahang pinuna ni Philippine National Police (PNP) Nicolas Torre III, ang pagpapakalat raw ng fake news ng mga tagasuporta ng pamilya Duterte laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, Hulyo 21, 2025, tahasang iginiit ng hepe ng pulisya na tila paubos na rw ang bala ng mga diehard Duterte supporters (DDS).
“Diretsuhin na natin yung mga DDS. Nauubusan na siguro talaga sila ng bala ng mga malalaking kontrobersiya, ng mga insidente,” saad ni Torre.
Binigyang-diin din ni Torre ang isang video ng mga bangkay ng Chinese nationals na itinapon umano sa Kawit, Cavite. Ayon kay Torre, taong 2022 pa raw ang binubuhay na isyu ng mga DDS upang dungisan daw ang kasalukuyang administrasyon.
“Literal na hinukay sa baul, para palabasin lang na bago. Kasi wala na silang makitang masama na kasing sama noong panahon nila [ni FPRRD],” saad ni Torre.
Panawagan ni Torre sa publiko, huwag daw basta-basta kumagat sa mga napapanood na video sa social media. Aniya, ang ganitong mga video ay hinihila lamang pabalik ang usapan sa mga luma nang isyu na hindi na napapanahon.