Iniintriga ng mga netizen si Kapamilya actor Richard Gutierrez matapos lumutang ang mga larawan nito kasama ang isang babaeng nagngangalang Charlotte Winter.
Hindi tuloy naiwasang mabuo ang espekulasyong hiwalay na si Richard sa jowa nitong si Barbie Imperial.
Kaya sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Linggo, Hulyo 21, binasag ni showbiz insider Ogie Diaz ang naiisip ng publiko patungkol sa relasyon ng celebrity couple.
“Hindi sila hiwalay. Hindi porke may nakatabi sa isang picture o sa video na babae si Richard Gutierrez e ‘yon na ang pinalit niya kay Barbie Imperial,” saad ni Ogie.
Dagdag pa niya, “Katunayan, mayro’n tayong nakausap na super duper close kay Barbie at si Richard pa rin. ‘Yong video at ‘yong pictures na nakita do’n kasama ‘yong babae [...] ay last year pa raw ‘yan. “
Matatandaang kamakailan lang din kasi ay nagbigay ng ilang detalye ang aktres na si Ruffa Gutierrez tungkol sa relasyon ng kapatid niyang si Richard kay Barbie.
Ayon kay Ruffa, naguguluhan daw siya sa dalawa.
Pero sa ngayon, wala pa namang inilalabas na anomang pahayag sina Barbie at Richard tungkol sa status ng kanilang relationship. Ano’t anoman, bukas ang Balita para sa kanilang panig.
MAKI-BALITA: Ruffa naguguluhan sa relasyon nina Richard, Barbie