Nakahanda ang Pasig City local government unit sa pag-apaw ng Wawa Dam kasunod ng malakas na pag-ulan dulot ng southwest monsoon o hanging habagat ngayong Lunes, Hulyo 21.
Sa Facebook post ni Pasig City Mayor Vico Sotto, inanunsyo niya na binabantayan nila ngayon ang Wawa Dam na matatagpuan sa Montalban, Rizal dahil malapit na raw ito sa "critical" o "overflow" level.
Bunsod nito, itinaas sa red alert ang lungsod bandang 12:00 p.m., kung saan umabot na sa 134.06 meters above sea level (masl) ang water level ng Wawa Dam, na ang critical level ay 135.00 masl.
"Kapag umapaw ito, siguradong tataas bigla ang tubig sa Marikina River – nakikipag-ugnayan na rin ang LGU sa Brgys Santolan, Sta Lucia, at pati sa mga lugar na nadadaanan ng Floodway," saad ni Sotto.
Payo pa niya sa kaniyang nasasakupan, "Wag mag-panic, pero Sumunod po tayo sa Barangay o DRRMO kapag sinabing mag-evacuate."