Nakiusap si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara sa mga magulang at estudyante hinggil sa pangangalampag umano sa suspensyon ng klase tuwing maulan.
Sa ambush interview sa kaniya ng media nitong Lunes, Hulyo 21, 2025, iginiit niyang malaki raw ang epekto ng mga suspensyon ng klase sa mga estudyante.
“Nakikiusap din kami sa publiko, mga magulang, mga estudyante. Huwag natin masyadong i-pressure ang ating local government, chief executives na konting ulan mag-suspend na tayo dahil pag sinumatotal natin ang nawawalang araw, malaki ang dagok o tama sa ating mga estudyante, yung tinatawag na learning loss,” ani Angara.
Saad pa ni Angara, bunsod ng posibilidad ng mas marami pang suspensyon dahil sa nananatiling sama ng panahon na umiiral sa iba’t ibang panig ng bansa, kinakailangan na raw na magkaroon pa ng make-up classes.
“Yung ini-emphasize namin that there must be make-up classes kasi matindi na yung learning loss talaga. Apektado ang bata pag masyadong maraming cancellation,” anang Education secretary.
Dagdag pa niya, “Saturday or after school kung kailan. Depende rin sa availability ng guro.”
Matatandaang nananatiling maulan ang bansa bunsod ng hanging habagat na pinalala pa ng nagdaang bagyong Crising.