Ipinag-utos ng Malacañang, sa pamamagitan ng Memorandum Circular Blg. 88, ang suspensyon ng trabaho sa pamahalaan at ng mga klase sa pampribado at pampublikong paaralan sa lahat ng antas ngayong Lunes, Hulyo 21, simula ala-1:00 ng hapon, dahil sa patuloy na malakas na pag-ulang dulot ng southwest monsoon o habagat.
Saklaw ng suspensyon ang lahat ng lungsod sa Metro Manila, gayundin ang Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Zambales, Pampanga, Bataan, at Batangas.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, alinsunod sa patuloy na pag-ulan na dulot ng habagat, ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at ang klase sa lahat ng antas sa mga nabanggit na lalawigan ay suspendido sa Hulyo 21, 2025, simula 1:00 ng hapon, batay sa memorandum na nilagdaan niya.
Sa kabilang banda, ang mga ahensiyang may tungkuling maghatid ng mga pangunahing serbisyo at serbisyong pangkalusugan, pagtugon sa mga sakuna at kalamidad, at/o pagsasagawa ng iba pang mahahalagang serbisyo ay magpapatuloy sa kanilang operasyon at magbibigay ng kinakailangang serbisyo.
Pagdating naman sa mga pribadong kompanya at opisina, nakabatay ang desisyon sa kani-kanilang mga namumuno.