Nagbigay ng pahayag si Akbayan Rep. Atty. Chel Diokno kaugnay sa ihahaing panukalang batas ni Senador Robin Padilla na naglalayong pababain ang criminal liability ng bata sa edad na 10 kapag napatunayang gumawa ng heinous crimes.
Sa latest Facebook post ni Diokno nitong Lunes, Hulyo 21, sinabi niyang hindi umano totoo na pinapalaya ang mga batang nagkakasala dahil sa Juvenile Justice Law.
“Kapag may sala, dapat may pananagutan—totoo ’yan. Pero hindi totoo na basta-basta pinapalaya ang mga bata dahil sa Juvenile Justice Law,” saad ni Diokno.
“Sa ilalim ng batas,” pagpapatuloy niya, “may Bahay Pag-Asa para sa kanilang rehabilitasyon. Ang kailangan natin—hindi pag-amyenda sa batas—kundi dagdag na pondo at suporta para sa programang ito.”
Dagdag pa ni Diokno, may itinakda rin umanong “discernment determination process” ang Korte Suprema para masiguro na mapapanagot ang mga nakakaunawa nang menor de edad.
Ayon sa kongresista, tila ang gusto raw ni Padilla ay isang lipunang marahas at walang malasakit.
“[K]ung talagang gusto nating solusyunan ang krimen, ayusin natin ang mga sirang tahanan, sirang paaralan, at sirang sistema,” pahabol pa niya.