Kinumpirma ni House Spokesperson Princess Abante ang tiyansa ng pagkakaroon ng contingency plan kung sakaling manatili ang masamang panahon sa ikaapat na
State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa Hulyo 28, 2025.
Sa kaniyang press conference nitong Lunes, Hulyo 21, sinabi ni Abante na tuloy-tuloy pa rin daw ang preparasyon sa Batasang Pambansa para sa SONA ng Pangulo.
“I would suppose there will be some contingency on how the SONA will be delivered in the event na mas lumala ang ating panahon,” saad ni Abante.
Dagdag pa niya, “I'll have to check later kung magkakaroon ng iba pang developments sa ating weather, but sa ngayon we are preparing na tuloy-tuloy at matutuloy ang SONA as prepared.”
Sa kabila ng patuloy na preparasyon, nananatili pa rin daw silang nakaantabay sa magiging lagay ng panahon.
“Sa ngayon tuloy-tuloy pa rin yung preparations natin, hindi naman siya naaantala. Of course we will keep on monitoring yung developments ng ating panahon sa mga susunod na araw. Pero as of today, tuloy-tuloy at wala namang disruption sa mga preparation,” ani Abante.