December 13, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga pagkaing makakatulong para makapagpalabas ng maraming ‘katas’

ALAMIN: Mga pagkaing makakatulong para makapagpalabas ng maraming ‘katas’
Photo Courtesy: Pexels

Isa sa mga maituturing na sangkap ng malusog na relasyon ay ang pagkakakaroon ng malusog na pamumuhay. 

Mahalagang bahagi kasi ng romantikong relasyon o buhay mag-asawa ang sex o pakikipagtalik. Pinagtitibay nito ang pagmamahalang nabuo sa loob ng ilang taon.

Kaya kung isa kang lalaki na namomroblema kung paano makakabuo ng binhi sa sinapupunan ng asawa mo o partner dahil sa mababang katas na nailalabas, siguro ay panahon na para isaalang-alang din ang mga pagkaing inilalagay sa tiyan.

Ayon sa mga eksperto, tinatayang pumapatak sa 15 milyon hanggang 16 milyon kada milliliter ang karaniwang bilang ng modtaks o sperm. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Kung mababa sa 15 milyon, ibig sabihin, ang lalaki ay may kondisyon na kung tawagin ay oligospermia.

Ang mababang bilang ng modtaks ay kadalasang ikonokonekta sa pagkain o inuming kinokonsumo ng lalaki. 

Makakatulong kung ititigil—o kung hindi pa kaya, bawasan—ang lubhang pagtsibog ng mga pagkaing mayaman sa high-fat at iba pang processed meat tulad ng hotdog, sausage, at bacon. Gayundin ang sobrang paglaklak ng alak, kape, energy drinks, at soda. Isama na rin pagyoyosi.

Kaya mas makakabuti kung ang mga sumusunod na pagkain sa ibaba ay isasama bilang bahagi ng hapag-kainan:

1. Oysters

Ayon sa isang online article ng Healthline, ang oysters ay mayaman sa zinc na nakakatulong upang mapalakas ang daloy ng dugo sa mga sex organ.

Mahalaga rin umano ang zinc sa fetility ng mga lalaki para ma-regulate ang testerones level. Dahil kung may zinc deficiency daw ang isang tao, malaki ang posibilidad na magkaroon ito ng negatibong epekto sa sa kaniyang testosterones level.

2. Baka

Sabi naman sa isang artikulo ng One Fertility Kitchener Waterloo, makakadagdag din umano sa sperm count ang pagkain ng baka.

Gaya ng oysters, taglay din ng baka ang makakatulong sa fertility ng kalalakihan para ma-regulate ang testosterones level. Bukod pa diyan siyempre ang iba pang nutrients tulad ng selenium, carnitine, at vitamin B12 na makakapag-ambag din ng pandagdag semilya.

3. Kamatis

Subok na bilang antioxidant ang kamatis na makakapagpabuti sa kinakailangang bilang at kalidad ng sperm dahil sa taglay nitong lycopene. Pinoprotektahan nito ang sperm mula sa posibleng oxidative stress at pinsala.

“Lycopene, like vitamin E and zinc, which have been the focus of previous research, is an antioxidant which means it prevents oxidation in cells, and therefore damage,” saad sa artikulo ng BBC.

4. Salmon

Ang matatabang isdang tulad ng salmon ay mataas sa omega-3 fatty acids na responsable sa pagpo-produce ng dopamine. Ito ay kilala bilang “feel-good” hormone na nagbibigay sa tao ng sense of pleasure lalo na sa mga pagkakataong naaabot ang rurok ng kaluwalhatian.

Pero bukod sa naidudulot nitong dopamine, nakapagbibigay din ang omega-3 fatty acids ng sustansya sa pormasyon ng selyula at sa kabuuang kalusugan ng mga organ. Kaya nakakatulong ito para magkaroon ng isang malusog na sperm ang lalaki. 

Base sa artikulo ng Jaslok-FertilTree International Fertility Centre, ”These fatty acids are also among the top ten vitamins and supplements to increase sperm count. Omega-3 rich foods play a crucial role in the formation and structure of sperm cells and other cells in the body.”

5. Walnuts

Samantala, batay naman sa isang artikulo ng University of California, Los Angeles (UCLA) Health, mahalaga rin umano ang pagkain ng walnuts dahil mapapanatili nitong malusog ang semilya.

Matatagpuan sa Walnuts ang mga nutrients na mayroon din sa baka at salmon tulad ng zinc, selenium, at omega-3 fatty acids kaya makakatulong ang pagkonsumo nito sa hinahangad na dagdag-modtaks.

At dahil sa mga nutrients na binanggit kabilang na ang folate at vitamin B6, hindi lang nito mapapadami ang katas ng lalaki. Mapapalakas pa nito ang kakayahan ng sperm na kumilos para bumuo ng sarili nitong hugis at sukat.

Pero sa huli, kailangang tandaan na hindi nangangahulugang kawalan na agad ng kakayahang makabuntis ang mababang bilang o mahinang produksyon ng semilya.

Posible lang na maging mahirap o matagalan ngunit kung malalapatan ng angkop na lunas ay magagawa pa ring makabuo ng lalaki. 

Kaya sakali mang hindi gumana ang mga pagkaing iminungkahi sa artikulong ito, pumunta agad sa doktor para higit na magabayan sa mga hakbang na dapat gawin.