Patay na nang natagpuan sa loob ng kanilang bahay ang isang pitong taong gulang na batang babae sa Las Piñas City noong Linggo, Hulyo 20, 2025.
Ayon sa ulat, naiwang mag-isa ang biktima sa kanilang nakakandadong bahay matapos umalis patungo umanong simbahan ang kaniyang mga magulang, nang sumiklab ang sunog sa kanilang lugar kung saan tinatayang 43 ang pamilyang nadamay.
Umakyat sa ikalimang alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula.
Lumalabas sa imbestigasyon na suffocation umano ang ikinamatay ng biktima matapos siyang matagpuan sa loob ng kanilang banyo habang nakabukas ang gripo. Bagama’t hindi nahagip ng sunog ang bata, wala na raw itong buhay nang nasagip ng mga awtoridad.
Sinasabing nagmula ang sunog sa isang bahay sa kanilang compound na hinihinalang wala raw tao at may naiwang nakasaksak sa kuryente na nagmitsa ng pagkasunog.