Ibinida at tiniyak ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto sa publiko, lalo na sa mga taga-Batangas, na ligtas pa ring kainin ang tawilis at iba pang lamang-dagat mula sa Taal Lake, noong Biyernes, Hulyo 18.
Ginawa ito ng gobernadora sa gitna ng pangamba ng ilang mamimili at residente matapos ang ulat na itinapon ang mga bangkay ng mga nawawalang sabungero sa lawa ng Taal, sa pagbubunyag ng whistleblower na si Julie "Dondon" Patidongan o alyas Totoy.
Mula noon, tila nagkaroon na raw ng takot ang maraming mga parukyano sa palengke na bumili ng isda mula sa Taal Lake, kabilang na ang kilalang-kilalang tawilis na matatagpuan lamang sa lawa.
"Tawilis!" ani Gov. Vilma habang kumakain ng tawilis sa harap ng media, lokal na opisyal, at mga residente.
"Okay, nothing to worry, with all these issues about our Taal. Nothing to worry," saad ng gobernadora.
"First of all, 'yong mga isda po natin diyan like tilapia and bangus, cultured 'yan. May mga fish pens po na nandiyan na alaga 'yang mga 'yan. Tapos ang tawilis po natin, ano 'yo non-carnivorous, hindi ito kumakain ng mga laman-laman, usually halaman ang kinakain nito."
"So, there's... may issue about the nangyayari diyan sa Taal Lake, pero hindi dapat maapektuhan ang pagkain ng magagandang isda na meron diyan."
"Napakalawak ng Taal Lake, ang importante mga isda diyan, alaga po. So nothing to worry. Enjoy tawilis, enjoy tilapia, enjoy our bangus and maliputo. Mabuhay ang Taal Lake," saad pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Gov. Vilma nagpasampol, lumantak ng tawilis: 'Nothing to worry!'
Samantala, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso ng mga nawawalang sabungero at ang sinasabing pagtapon ng mga bangkay sa Taal Lake.
Kamakailan lamang ay kinumpirma ng mga awtoridad na buto ng tadyang ng tao, kasama ng buto ng hayop, ang mga narekober kamakailan sa lawa.
KAUGNAY NA BALITA: Bayan ng Laurel, posible ideklarang 'state of calamity' dahil sa mga nawawalang sabungero
KAUGNAY NA BALITA: Buto ng mga nawawalang sabungero sa Taal Lake, posible pang marekober—DOST
KAUGNAY NA BALITA: Bangkay ng mga nawawalang sabungero, itinali sa sandbag para lumubog sa Taal Lake