Tinalakay ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang konsepto ng digitalization na isa sa mga isinusulong ng kaniyang administrasyon upang makasabay ang Pilipinas sa pagbabago ng mundo.
Sa latest episode ng vlog ni Marcos nitong Linggo, Hulyo 20, hinimok niya ang publiko na gumamit ng artificial intelligence o AI dahil sa kapakinabangang dulot nito.
“Napakarami ang kayang gawin nitong AI. Maraming gamit 'yan. 'Yong simple lang, informational. Magtatanong ka, saan ba ito? [...] Kahit sa pagsulat ng speech, nakakatulong 'yan,” saad ni Marcos.
Dagdag pa niya, “Ito ang kaibahan ng AI sa mga dating computer program. Ang AI, natututo. Mas lalo mong gagamitin, mas gagaling ang sagot sa 'yo. Kaya gamitin n'yo nang gamitin para 'yang AI masanay sa inyo.”
Pero sa kabilang maitutulong nito, binanggit din ng pangulo ang panganib na dala ng AI.
“Nakakalungkot na ginagamit din ito ng mga masasamang loob sa mga scam, sa mga fake news, sa pagpapalaganap ng maling impormasyon. At marami sa atin ang nabibiktima nito,” dugtong pa ni Marcos.
Matatandaang kamakailan lang ay inilunsad na ng pangulo ang eGovPH Serbisyo Hub sa Makabagong San Juan National Government Center (MSJ-NGC) sa San Juan City.
Ang Bagong Pilipinas eGovPH Serbisyo Hub ay inisyatibo ng gobyerno upang mas mapadali at mapabilis ang mga pampublikong transaksyon sa bansa.
MAKI-BALITA: Romualdez sa eGovPH Serbisyo Hub ni PBBM: 'Tunay na nakikinig sa taong bayan'