Patay ang isang 61 taong gulang na lalaki matapos higupin ng magnetic resonance imaging (MRI) machine ang suot niyang 20 pounds na kuwintas sa Nassau Open MRI sa New York City.
Ayon sa ulat ng ilang international news outlet, nangyari ang aksidente nang sumailalim sa MRI ang misis ng biktima. Inutusan daw ng misis ng biktima na tawagin siya upang magpatulong sa kaniyang pagtayo dahil sa kaniyang injury sa binti.
Pagpasok ng biktima sa MRI room, doon na raw mabilis na nahigop ng nasabing machine ang biktima bunsod ng kaniyang kwintas. Sinubukan pa raw siyang hilahin ng kaniyang misis at MRI technician ngunit tuluyan siyang nahigop nito.
Ayon sa asawa ng biktima, nagawa pa raw nitong maikaway ang kaniyang kamay upang magpaalam bago siya mahigop ng MRI machine.
Bagama’t naisugod sa ospital, pumanaw ang biktima makalipas ang isang araw bunsod ng mga injuries na kaniyang tinamo.
Ang MRI machines ay gumagamit ng malakas na magnetic fields na siyang dahilan upang makapaglabas ito ng malinaw at detalyadong scans ng mga pasyente. Bunsod nito, mahigpit na ipinagbabawal sa bawat pasyente ang pagkakaroon ng anumang metallic na bagay sa kanilang katawan kapag sumalang na sa MRI machines.
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang malinaw na impormasyon kung tuluyang nasampahan ng reklamo ang Nassau Open MRI.