Paano nga ba hinaharap ni Kapamilya actress Criza Taa ang mga akusasyon na isa umano siyang social climber at pekeng kaibigan?
Sa latest episode ng “Toni Talks” nitong Linggo, Hulyo 20, inamin ni Criza na naiinis raw siya noong una kapag tinitingnan siya ng iba sa katangiang hindi naman talaga niya taglay.
“Actually, dati sobrang affected pa ako kasi nakakainis, e,” saad ni Criza. “Pagka kilala mo ‘yong sarili mong hindi ka gano’n tapos pine-frame ka as gano’n ka. Ta’s sasabihin nila sa ‘yo ‘yon na parang kilalang-kilala ka na nila.”
Dagdag pa niya, “Parang ang hirap for me. Pero no’ng na-realize ko na hindi naman nila ako kilala, e. And natutunan ko na paano i-seperate ‘yong normal life and personal life ko sa social media.”
Matatandaang lumutang sa social media noong Marso ang video clip ng pag-uusap ng housemates sa Pinoy Big Brother Celebrity: Collab Edition na sina AC Bonifacio at Michael Sager tungkol sa isang tao na mahilig umanong mag-flex ng mga binili nito.
Hinala ng mga netizen, si Criza umano ang tinutukoy ng dalawa. Lalong lumakas ang hinala nila nang magpakawala ng makahulugang post ang Kapamilya actress.