Tila pabor ang aktres at konsehal ng ikalimang distrito ng Quezon City na si Aiko Melendez sa panukalang-batas ni Sen. Robin Padilla na mapababa ang edad ng mga taong posibleng masampahan ng kasong kriminal.
Ayon kay Padilla, ang nabanggit na panukalang-batas ay pag-amyenda sa Republic Act (RA) No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na naglalayong maalis ang criminal liability exemptions ng mga edad 17 hanggang 10 taong gulang, kapag napatunayang nagsagawa ng heinous crimes.
Sa kaniyang verified Facebook account, ibinahagi ni Aiko ang isang ulat-balita patungkol sa bill ng senador. Aniya, ito raw ay isang "correct law."
Giit pa ni Aiko, wala raw nakatataas sa batas, kahit anuman ang edad niya.
"That's the correct law. Anyone who violated the law, like killing, rape, should be punished according to the gravity, weight of his/her offense. No one should be above the law. Irregardless of age," anang Aiko.
Sumang-ayon naman dito ang komedyanteng si Eric Nicolas.
"ANG SAMPUNG TAONG GULANG AY NAKAKAPAG ISIP NA NG TAMA AT MALI….TAMA LANG YAN PARA MAGSILBING ARAL SA MGA NAGBABALAK GUMAWA NG KRIMEN AT MGA MAGULANG NA PABAYA!!!SILA ANG SAKRIPISYO NATIN PARA TUMINO AT HINDI MAAPEKTUHAN ANG MGA MATITINO!!!HUWAG NG MAGBAIT BAITAN ANG IBA!!"
"NGAYON MAY chance NANG MAGING MAAYOS ANG KABATAAN NA SINABI NI RIZAL NA PAGASA NG BAYAN," dagdag pa niyang komento.
Tugon naman dito ni Aiko, "true po kuya."
Ang co-sponsor ng nabanggit na RA 9344 ay ang nagbabalik sa Senadong si Sen. Kiko Pangilinan.