Bigay-todo ang suporta ni reelected Leyte 1st District Rep. at House Speaker Martin G. Romualdez sa inilunsad na Bagong Pilipinas eGovPH Serbisyo Hub ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ang Bagong Pilipinas eGovPH Serbisyo Hub ay inisyatibo ng gobyerno upang mas mapadali at mapabilis ang mga pampublikong transaksyon sa bansa.
Sa pahayag na inilabas ni Romuladez nitong Sabado, Hulyo 19, sinabi niyang tugon umano ng pamahalaan ang nasabing programa para malutas ang nararanasang hirap ng mga Pilipino sa pagpila ng mga kinakailangang dokumento.
“Matagal nang nahirapan ang ating mga kababayan sa katakot-takot na pila kapag sila ay kukuha ng birth certificate, driver’s license, permit, at iba pa,” saad ni Romualdez.
“Ngayon,” pagpapatuloy niya, “nakikita natin ang pagbabago sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos—mula sa mahabang pila hanggang sa isang pindot na lang sa smartphone. Ito ang gobyernong tunay na nakikinig sa taong bayan.”
Matatandaang inilunsad ng pangulo ang eGovPH Serbisyo Hub sa Makabagong San Juan National Government Center (MSJ-NGC) sa San Juan City noong Biyernes, Hulyo 18.