Nagbigay ng payo ang aktres na si Glayds Reyes para sa mga kapuwa niya misis para malayo sa anomang anyo ng tukso ang kanilang mga mister.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” kamakailan, sinabi ni Gladys na huwag daw dapat bigyan ng rason ang kanilang mga asawa para matukso.
“Dapat hangga’t maaari, ‘wag nating bigyan ng rason ang ating asawa para matukso. Parang gano’n,” saad ni Gladys.
Dagdag pa niya, “Sabi ko nga, imbes na pantulog, panggising ang isuot mo para magising ang kamalayan.”
Matatandaang minsan na ring ibinahagi ni Gladys ang tatlong sikreto sa matibay na relasyon nang sumalang siya sa online show ni Manila City Mayor Isko Moreno noong 2023.
MAKI-BALITA: Gladys Reyes, ibinahagi ang tatlong sikreto sa matibay na relasyon
Sa kasalukuyan, higit tatlong dekada nang kasama ni Gladys ang asawa niyang si Christopher Roxas. Nakarelasyon niya ang kaniyang mister sa loob ng 13 taon bago niya naging asawa sa loob ng higit dalawang dekada.