Maging si showbiz insider Ogie Diaz ay namagitan na rin sa puksaan nina TV personality Awra Briguela at content creator Sir Jack Argota.
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Biyernes, Hulyo 18, sinabi ni Ogie na wala raw kahahantungan ang bangayan ng dalawa.
“Anong ending nito? Wala. Walang kakapuntahan ito. Kaya sabi ko sa kaniya, ‘wag na niyang patulan,” saad ni Ogie.
“Ngayon kung si Sir Jack ay magpapaaral sa ‘yo ng four years course sa college, i-entertain mo siya nang i-entertain,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa ng showbiz insider, “Kung hindi rin naman, ‘wag nang patulan kasi humahaba, e. Lalo lang nagkakaroon ng maraming diskusyon. Lalo lang inookray ikaw at saka ‘yong ibang kapatid.”
Kaya ayon kay Ogie, mas mabuti raw na pairalin na lang ang respeto.
Matatandaang nag-ugat ang iringan ng dalawa matapos itama ni Sir Jack ang pronoun na “her” ni Awra na ginamit sa isang ulat ng ABS-CBN News hinggil sa graduation nito sa senior high school.
Niresbakan naman ni Awra ang banat sa kaniya sa pamamagitan ng Facebook post. Ngunit ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP) kamakailan, sinabi ni Awra na hindi raw siya ang nagmamay-ari ng Facebook page na sumasagot kay Sir Jack.
MAKI-BALITA: Awra Briguela, nilinaw 'below the belt' na resbak sa content creator