Isang construction worker ang patay habang isa pa ang sugatan nang aksidenteng makuryente habang nagtatrabaho sa isang itinatayong bahay sa Taytay, Rizal kamakailan.
Dead on arrival sa Rizal Provincial Hospital ang biktimang si alyas ‘Estong,’ dahil sa tinamong pinsala sa katawan habang nilalapatan ng lunas ang isa pang biktima na si ‘Rod’.
Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-10:20 ng umaga Huwebes nang maganap ang insidente sa isang ginagawang bahay sa Brgy. Sta. Ana sa Taytay.
Bago ang insidente, nasa ikatlong palapag umano ng ginagawang bahay ang mga biktima nang kuhanin ni Estong ang isang basang kahoy na may 12 talampakan ang haba mula sa tumpok ng mga kahoy.
Iniabot umano ni Estong ang basang kahoy kay Rod ngunit aksidente itong tumama sa isang live electric pole na katabi ng construction site, sanhi upang kapwa makuryente ang dalawa.
Kaagad namang naisugod ng mga kasamahan sa pagamutan ang mga biktima ngunit sinawimpalad na masawi si Estong.