Dead on arrival ang isang 26 taong gulang na single mom matapos siyang pagbabarilin ng isang lalaki sa loob ng kaniyang apartment sa Tagum City.
Ayon sa mga ulat, pinasok ng lalaki ang tinutuluyan ng biktima at saka niya ito pinaputukan.
Nagtamo ng tatlong bala sa likod ang biktima na napag-alamang online seller din. Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alamang magkakilala ang biktima at suspek na tila may malalim umanong ugnayan ngunit wala raw “label.”
Ayon pa sa mga awtoridad, selos ang motibo ng suspek matapos daw niyang makitang may kainumang tatlong mga lalaki ang biktima.
Samantala, matapos ang ikinasang follow-up operation, nasakote ng pulisya ang suspek na mahaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang murder.