Mukhang magdadalawang-isip na raw ang mga taong may lihim na karelasyon, may kalaguyo o kabit, o extra-marital affairs, sa pag-attend ng mga concert ng bandang Coldplay—lalo na’t may posibilidad na hindi inaasahang mabunyag ang kanilang relasyon sa harap ng libo-libong tao.
Ito ang sinapit ng isang kilalang tech executive at ng kanyang empleyado matapos silang mahagip ng kamera sa gitna ng Music of the Spheres World Tour ng British rock band na Coldplay. Ginanap ang concert noong Hulyo 16, 2025, sa Gillette Stadium sa Foxborough, Massachusetts, USA.
Nakilala ang nasa video bilang sina Andy Byron, CEO ng AI-focused na kompanyang Astronomer na nakabase sa New York, at si Kristin Cabot, ang namumuno sa Human Resources ng parehong kumpanya.
Habang nasa kasagsagan ng concert, napabilang ang dalawa sa Kiss Cam segment—isang bahagi ng palabas kung saan pinipili ng kamera ang mga magkapareha at hinihikayat silang magpakita ng kaunting lambingan. Nahuli sa camera sina Byron at Cabot na magkayakap, at dito nagsimula ang pagkalat ng espekulasyon sa kanilang umano’y hindi opisyal na ugnayan.
Nang mapagtanto nilang sila ang nasa malaking screen, agad na iniwas ni Cabot ang kaniyang mukha at sinubukang magkubli, habang si Byron naman ay napayukong umupo para hindi makilala. Ang problema: pareho silang may asawa, kaya’t ang masayang concert ay nauwi sa eskandalo.
Biro pa nga ni Coldplay lead vocalist Chris Martin sa kanilang dalawa, baka raw may affair ang dalawa o baka nahiya lang.
Tinatayang 60,000 katao ang nakasaksi sa eksenang ito, na mabilis ding naging viral sa social media. Kasunod ng insidente, nakatanggap agad si Megan—ang asawa ni Byron—ng mga mensahe mula sa mga taong nakapanood ng video.
Hindi naman nakaligtas sa memes ang mga nangyari, at sinabi ng mga netizen na iwasan daw magsadya sa Coldplay concerts ang mga may itinatagong affair, lalo na sa mga may jowa at asawa na.
KAUGNAY NA BALITA: May asawa pareho! CEO, HR head buking na magkayakap sa Coldplay concert