Usap-usapan ng mga netizen ang kontrobersiya at hindi sinasadyang umano'y pagkakabuking sa "alleged affair" ng isang kilalang personalidad sa industriya ng teknolohiya at ang kaniyang empleyado habang nanonood ng Music of the Spheres World Tour ng bandang Coldplay sa Britain.
Ang nasabing concert ng Coldplay ay ginanap noong Hulyo 16, 2025 sa Gillette Stadium, Foxborough, Massachusetts, USA.
Nakilala ang dalawang nasa video bilang si Andy Byron, CEO ng Astronomer, isang kompanyang nakatuon sa Artificial Intelligence o AI na nakabase sa New York.
Ang babaeng kayakap niya ay sinasabing si Kristin Cabot, na pinuno ng Human Resources ng nasabing kompanya.
Sa isang hindi inaasahang sandali, lumabas ang usap-usapang ugnayan ng dalawa sa KissCam segment ng concert. Nahagip ng camera sina Byron at Cabot na magkayakap sa gitna ng event.
Nang mapansin nilang sila ang nasa malaking screen, agad na umiwas si Cabot at tinakpan ang kaniyang mukha, habang si Byron naman ay yumuko at nagtangkang magtago.
Ang KissCam, na karaniwang bahagi ng mga live event para aliwin ang mga manonood sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga magkapareha na "magtukaan" ay naging sanhi ng eskandalo dahil parehong may asawa sina Byron at Cabot.
Mabilis na naging viral ang video sa social media. Si Megan, ang asawa ni Byron, ay agad nakatanggap ng mga mensahe mula sa concerned netizens matapos kumalat at pumutok ang eskandalo.
Hindi rin pinalampas ng mga netizen ang Facebook account ni Megan, na dinagsa ng mga komento.
Dahil sa nangyaring eskandalo, tinanggal ni Megan ang apelyidong Byron sa kaniyang profile, at kinalaunan ay tuluyan na niyang isinara ang social media account.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag sina Byron at Cabot tungkol dito.