December 13, 2025

Home SHOWBIZ Musika at Kanta

Klarisse, 12 taon na sa showbiz pero ngayon lang naranasang pagkaguluhan

Klarisse, 12 taon na sa showbiz pero ngayon lang naranasang pagkaguluhan
Photo courtesy: Screenshot from Karen Davila (YT)

Inamin ng tinaguriang "Nation's Mowm" at Kapamilya soul diva na si Klarisse De Guzman na sa higit dekada niya sa showbiz, ngayon lang niya naranasang pagkaguluhan ng mga tao kahit saan siya magpunta.

Ito ay matapos ang kaniyang stint bilang housemate sa patok na reality show na "Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition."

Sa vlog ni Karen Davila, sinabi ni Klarisse na matagal na raw niyang tinanggap sa sarili niya na "napag-iwanan" siya ng mga kasabayan noon sa singing contests na talagang umarangkada na ang karera kagaya nina Sarah Geronimo, Angeline Quinto, Morissette Amon, at Charice Pempengco o Jake Zyrus.

Ang mahalaga raw sa kaniya ay may trabaho, kumikita, at longevity. Feeling nga raw niya, ang mga beki at mahilig sa diva lang ang mga nakakakilala at nakaka-appreciate sa kaniya. Aminado rin siyang minsan, nakakaramdam siya ng inggit kapag napapanood niya sila sa TV. Naiisip pa nga niya, baka hindi raw siya para talaga sa pagkanta.

Musika at Kanta

Cup of Joe, nanguna bilang ‘Top Local Artist’ at ‘Top Local Group’ sa Spotify Wrapped 2025

Sanay raw talaga siya sa "rejections" noon pa man at sanay na kinokonsiderang "second option."

Kaya malaking bagay raw ang nagawa ng PBB sa career niya ngayon dahil kahit saan daw siya magpunta, mapa-matanda o bata, ay talagang kilala na siya at tumitili sa kaniya ng "Mowm!" o kaya naman ay "OA!" Kapag daw may nakitang blondina, agad na ina-associate sa kaniya o inaakalang siya.

Nagulat daw siya na pinagkakaguluhan na siya paglabas niya ng Bahay ni Kuya.

"Twelve years na po ako sa showbiz but never ko na-experience 'yong ganiyan, na kahit sino nakikilala ka... hindi ko po inexpect. Usually po kasi kapag mga ganiyang diva-diva, ang nakakakilala lang sa 'yo mga beks, mga mahilig sa diva, mahilig sa singers... so ngayon nakakatuwa po, matanda't bata, nakikilala na po ako, tapos basta blonde feeling nila ako na 'yon," natatawang pagbabahagi pa ni Klang.