January 04, 2026

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Si Edita Burgos bilang ina ng anak niyang desaparesido

KILALANIN: Si Edita Burgos bilang ina ng anak niyang desaparesido
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA, Free Jonas Burgos Movement (FB)

Ibinahagi ni Dr. Edita Burgos ang karanasan niya bilang ina ni Jonas Burgos, ang anak niyang halos magdadalawang dekada nang nawawala mula nang dukutin umano ng mga ahente ng estado.

Sa conversational interview na “Heart-to-Heart: Signs of Hope” na bahagi ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE) XI nitong Biyernes, Hulyo 18, sinabi ni Dr. Edita na hindi madaling maging ina ng desaparesido.

Ang “desaparesido” ay mula sa salitang Kastila na nangangahulugang “winala” o “disappeared” sa English. At ang sinomang desaparesido ay ipinagpapalagay na dinukot at pinatay ng militar o pulisya.

“Hindi naman po ako umiiyak every minute. Pero hindi ho madali ang maging nanay ng desaparesido,” pag-amin ni Dr. Edita.

Human-Interest

Pabalik na sila! Bakit 'main character' mga taga-NCR na pabalik galing sa probinsya?

“The only way I can describe it is , you are in a constant state of suspended anticipation,” pagpapatuloy niya. “Parang hindi mo alam kung ano ang mangyayari. Makikita mo ba o hindi mo makikita? Totohanan ba ang hinaharap mo o hindi katotohanan? Kasi marami pong pine-present sa amin na hindi naman katotohanan.”

Ayon sa mga ulat, dinukot si Jonas noong Abril 2007 sa labas ng isang shopping mall sa Quezon City. Simula noon, hindi na siya nakita maski ang kaniyang anino. 

Kilalang aktibista si Jonas. Sa katunayan, miyembro siya ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at nagbibigay siya ng teknikal na pagsasanay para sa mga kasapi ng Alyansang Magbubukid ng Bulacan. 

Kaya naman nang winala si Jonas, hindi umano naiwasang ispin ni Dr. Edita kung ano ang motibasyon ng anak niya para gawin ang lahat ng ito.

“Maybe he joined the underground movement—’di ko ma-confirm ‘yon—maybe he was a member of this violent and rebellious group, but I knew his motivation was love. He loves those who are oppressed,” saad ni Dr. Edita.

Noong 2024, sa ginanap na “Cinemalaya Bente: Loob, Lalim, Lakas,” naging kalahok ang “Alipato at Muog” ni JL Burgos. Isang documentary film na nagtatangkang isiwalat ang katotohanan sa likod ng pagdukot sa kuya niya.

Sa kabila nito, tila nananatili pa ring mailap ang hustisya para sa pamilya Burgos. Palaisipan pa rin sa kanila kung ano ba talaga ang totoong nangyari kay Jonas.

At hanggang ngayon, dahil wala pang lumilitaw na kahit anong bakas ni Jonas, wala pa ring nananagot sa pagkawala niya bagama’t may mga suspek na.

Gayunman, sa nangyaring ito sa buhay ni Dr. Edita, nabigyan siya ng bagong perspektibo hinggil sa hustisya. 

Aniya, “Before, when I said I seek justice, ang nasa isip ko gaganti ako. Dapat 'yong gumawa sa anak ko magbayad sa preso.”

“But now is a different perspective. Justice is not about revenge. It's about making sure that nobody else suffers the suffering you go through,” dugtong pa ni Dr. Edita.

Sa kasalukuyan, si Dr. Edita ang tumatayong pangulo ng International Coalition Against Enforced Disappearances, isang global network ng mga organisasyon at indibidwal na nagtutulungan upang matuldukan na ang mga kaso ng desaparesido sa mundo.