Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City ang pagpapatupad nila ng liquor ban kasunod ng banta ng pananalasa ng bagyong Crising sa kanilang lugar.
Batay sa Executive Order No. 16 na inilabas nitong Biyernes, Hulyo 18, 2025, ipinagbabawal ang anumang pagbili, pag-inom at pag-alok ng anumang alak sa kanilang lungsod habang nananatili raw red alert status bunsod ng nasabing bagyo.
“The sale, offering, purchase, giving, consumption and serving of intoxicating beverages shall be temporarily prohibited in Tugeugarao City on July 18, 2025, subject to further extension if necessary,” anang Executive Order.
Dagdag pa ng nasabing Executive Order, maaari daw humarap sa kaukulang legal actions ang sinumang mahuhuling lalabag sa kautusan.
Ayon sa latest weather bulletin update ng DOST-PAGASA nitong Miyerkules, bandang 11:00 ng umaga, nananatiling nakataas sa tropical cyclone wind signal number 2 ang buong probinsya ng Cagayan.
Naglabas ng abiso ang nasabing ahensya ng posibleng pag-apaw ng Cagayan River bunsod pa rin ng nasabing banta ng bagyong Crising.