Patay ang isang buntis matapos mabagsakan ng natumbang puno ng niyog sa Malita, Davao Occidental noong Huwebes ng hapon, Hulyo 17, 2025.
Ayon sa mga ulat, naglalaba ang biktima nang mangyari ang aksidente.
Sinubukan pa raw iligtas ng biktima ang kaniyang tatlong taong gulang na anak, dahilan upang siya ang mabagsakan ng nasabing puno. Nadamay rin ang alagang aso nila na nasawi malapit sa puwesto ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na manganganak na rin sana ang biktima anumang oras nang araw na iyon nang mangyari ang aksidente.
Nagtamo ng bali sa binti at kaliwang braso ang biktima at matinding skull fracture na nagdulot ng kaniyang pagkamatay. Sinubukan pang maisugod sa ospital ang biktima ngunit kalauna’y namatay rin siya.