Inihayag ng Malacañang na bukas sila para sa anumang suhestiyon na manggagaling mula sa Office of the Vice President (OVP).
Sa press briefing ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nitong Huwebes, Hulyo 17, 2025, iginiit niyang hindi raw sarado ang pintuan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa anumang mairerekomenda ni Vice President Sara Duterte.
"On the part of the Palace, welcome po kung anuman po ang suhestiyon na makabuluhan, magandang suhestiyon na magmumula sa OVP," ani Castro.
Dagdag pa niya, "Hindi po ito tinatanggihan at hindi po sinasara ng Pangulo ang pintuan sa Bise Presidente. Lahat po ng maaaring suhestiyon na makabuluhan ay tatanggapin po 'yan kung ito naman po ay makakatulong sa taumbayan."
Samantala, inungkat naman ng Palasyo ang dating naging pahayag ni VP Sara na ayaw raw niyang tulungan si PBBM tungkol sa pagpapababa naman ng presyo ng bigas.
"Tandaan po natin, mismong si Bise Presidente ang nagsabing siya raw po ay mayroong formula or alam para maipababa ang presyo ng bigas pero ayaw niya pong i-share sa gobyerno at sa administrasyon dahil ayaw niyang tulungan ang Pangulo," saad ni Castro.
Depensa pa ni Castro, malinaw daw na hindi raw hinahadlangan ng Pangulo ang gustong gawin ni VP Sara para sa kapakanan ng taumbayan.
"So, hindi po nanggagaling sa Pangulo o sa administrasyon na ito ang pagharang sa kaniyang mga gustong gawin para sa taumbayan. Unang-una po ay handa pong makinig ang Pangulo sa anumang kaniyang suhestiyon na may kabuluhan," aniya.