Patay ang isang walong buwang gulang na sanggol na karga ng kaniyang tiyuhin matapos tumaob ang tricycle na sinasakyan nila dahil sa bumanggang motorsiklo sa Iloilo.
Ayon sa mga ulat, bigla na lamang nahagip sa CCTV ang pagsemplang ng rider ng motorsiklo na napag-alamang minamaneho ng 15 taong gulang pa lamang.
Sa lakas ng impact, tumalsik ang naturang driver sa kalsada habang nagdire-diretso naman ang kaniyang motorsiklo na tumama sa tricycle.
Bunsod ng nangyaring pagsalpok, agad na tumaob ang tricycle na tinatayang may sakay na anim na mga pasahero. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nabitawan ng tiyuhin ng sanggol, dahilan upang tuluyan itong mahulog.
Nagtamo rin ng ilang minor injuries ang iba pang sakay ng nasabing tricycle.
Samantala, sinubukan pang itakbo sa ospital ang nasabing sanggol ngunit idineklara na siyang dead on arrival. Idiniretso rin sa pagamutan ang binatilyong driver ng motorsiklo dahil sa tinamo niyang mga galos, at saka siya nai-turn over sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).