Muling nagbigay ng health updates ang journalist na si Dindo Balares hinggil sa kaibigang si Queen of All Media Kris Aquino, sa kaniyang Instagram account.
Kaugnay pa rin ang updates sa patuloy na laban ni Kris sa kaniyang autoimmune diseases.
Sa kaniyang social media post na may pamagat pang "LOVE NOURISHES AND HEALS," nilinaw ni Balares na tunay at hindi photoshopped ang kumakalat na larawan ni Kris na kuha ng kanilang kaibigang si Ms. Jing tatlong linggo na ang nakararaan sa isang private resort kung saan pansamantalang naninirahan ang nagpapagaling na kaibigan.
"Totoo at genuine po ito. Kuha ng kanyang kaibigan na si Ms. Jing three weeks ago habang nandodoon din ako sa private resort na kinaroroonan ni Kris," mababasa sa post ni Dindo.
"Pero unang-una, at ang pinakamahalaga muna, MULA SA PUSONG PASASALAMAT PO sa lahat na nagmamahal, nagmamalasakit, at patuloy na nagdarasal para sa panunumbalik ng kalusugan ni Kris."
"When we pray, miracles happen -- proof si Krisy. Love nourishes and heals."
Ayon pa sa mamamahayag, unti-unti nang nakakabawi ang katawan ni Kris kahit pa hirap na hirap siya sa araw-araw na mga gawain. Kailangan pa rin siyang alalayan sa pagbangon at pagpunta sa banyo, at ilang beses na rin siyang nadulas at bumagsak dahil sa pag-aakalang kaya na ng kaniyang katawan.
"Malayung-malayo pa, pero unti-unti nang nakakabawi ang kanyang katawan at timbang," aniya.
"Hirap na hirap, nakita ko mismo, at narinig na mahinang sinasabing, 'I really hate being dependent' dahil kailangan siyang alalayan kung gustong bumangon o dapat kargahin papunta sa comfort room, pero tinitiis niya."
"Maraming beses na siyang bumagsak sa sahig at sa loob ng banyo, dahil inaakala niyang kayang-kaya na, pero hindi pa pala."
"Mabagal man ang mga resulta, tama ang desisyon niyang umiwas muna sa big city at manirahan sa tabing-dagat para lumanghap ng sariwang hangin."
Isang malaking progreso rin ang kanyang pagtaas ng timbang mula sa pinakamababang 82 pounds noong Enero, tungo sa kasalukuyang 112 pounds. Gayunman, ayon kay Kris, nananatiling payat ang kaniyang mga braso at ibabang bahagi ng kaniyang mga tuhod.
Inilahad din ng mamamahayag na napansin nilang may "regeneration" na sa balat ni Kris, na maaaring senyales din ng regeneration o positibong pagbabago sa loob ng kaniyang katawan.
Bagama't mabagal ang kaniyang paggaling, tumpak umano ang desisyon ni Kris na manirahang malayo sa lungsod at manatili sa tabing-dagat kung saan siya nakasisinghot ng sariwang hangin, na malaking tulong sa kaniyang pagpapalakas.
Nilinaw rin ni Dindo ang ilang maling impormasyon na kumakalat sa social media:
"Misleading po ang posts na cancer-free na raw si Kris. Wala po siyang cancer eversince. Hindi po cancer ang ginagamot ng mga doktor kay Kris kundi auto-immune illnesses," aniya.
Sa kabila raw ng mabagal na proseso, patuloy ang laban ni Kris Aquino hindi lang para sa sarili, kundi para rin sa kaniyang mga anak at sa lahat ng patuloy na nagdarasal at nagpapakita ng pagmamahal sa kaniya.