Patay ang mag-asawang senior citizen matapos silang pagsasaksakin ng kanilang manugang dahil sa isyu ng bagong karelasyon sa Guimaras.
Ayon sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas noong Miyerkules, Hulyo 16, 2025, matagal na raw tutol ang mag-asawang biktima na iuwi ng suspek ang bago niyang kasintahan sa bahay na sakop ng compound ng kanilang pamilya.
Napag-alamang noong Abril 2024 nang pumanaw ang anak ng dalawang biktima na siya namang asawa ng suspek. Naiwan sa suspek ang mga anak nila na nasa edad 11-anyos at 2 taong gulang.
Samantala, batay sa imbestigasyon, lasing daw ang suspek ng magkaroon muli ng komosyon sa pagitan niya at kaniyang mga biyenan na nauwi na sa krimen.
Nagtamo ng 12 saksak ang kaniyang biyenang babae habang apat na saksak naman ang tinamo ng biyenang lalaki.
Ilang residente pa raw sa kanilang lugar ang nasugatan matapos subukang umawat.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na haharap sa kasong two counts of murder at attempted homicide.