Noong 2015, isang pambihirang kilig-serye ang nagbago sa takbo ng telebisyon sa Pilipinas—ang KalyeSerye ng Eat Bulaga na tampok ang tambalang AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza (aka Yaya Dub). Mula sa simpleng segment sa tanghali, naging isang cultural phenomenon ang nasabing serye na tumatak sa puso ng milyon-milyong Pilipino.
Kahit ang hosts ng kalaban nila noon sa noontime na "It's Showtime" ng ABS-CBN, aminadong nahirapan talaga sa pag-iisip ng iba't ibang pakulo kung paano nila tatalunin sa ratings ang Eat Bulaga, lalo na kapag KalyeSerye na.
Buong akala nga raw nila ay maliligwak na ang show at pakiramdam nila, wala nang nanonood sa kanila. Tila nga raw pakiramdam nila, isang "kasalanan" kapag nanonood ng Showtime at hindi ng Eat Bulaga nang mga panahong iyon.
Nagsimula ang lahat sa Juan for All, All for Juan segment ng Eat Bulaga, kung saan ipinakilala si Maine Mendoza bilang si Yaya Dub, ang tahimik ngunit expressive na yaya ni Lola Nidora (ginampanan ni Wally Bayola). Sa pamamagitan ng dubsmash at facial expressions, naging patok si Yaya Dub sa mga manonood. Isang hindi inaasahang "spark" ang naganap nang unang mapanood ni Yaya Dub si Alden Richards sa split screen. Mula rito, nabuo ang tambalang "AlDub" — Alden at Yaya Dub.
Hindi inaasahan ng Eat Bulaga na ang simpleng pa-cute at kilig na segment ay magiging isang seryeng sinusubaybayan araw-araw, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba't ibang bahagi ng mundo kung saan may mga OFW.
Ang KalyeSerye ay isang live, unscripted drama-comedy series na ginaganap sa kalsada, kaya ito tinawag na "KalyeSerye." Kakaiba ito sa karaniwang telenovela dahil gumagamit ito ng split screen para ipakita ang sabayang emosyon nina Alden at Yaya Dub. Sa kabila ng kakulangan sa pisikal na ugnayan, lumalim ang kuwento at lumawak ang saklaw ng emosyon sa pagitan ng dalawang karakter.
Ang KalyeSerye ay naging tahanan ng makukulay na karakter tulad nina Lola Nidora, Lola Tidora, at Lola Tinidora, na nagbibigay ng payo, komedya, at minsan, paghihigpit sa pag-iibigan nina Alden at Yaya Dub. Isa rin ito sa mga una sa mainstream media na gumamit ng social media bilang bahagi ng storytelling—kung saan ang mga hashtag tulad ng #AlDub at #KalyeSerye ay laging trending sa Twitter, na X na ang tawag ngayon.
Isa sa mga hindi malilimutang tagumpay ng AlDub ay ang record-breaking 41 million tweets para sa hashtag #ALDubEBTamangPanahon noong Oktubre 24, 2015. Ito ay kasabay ng Tamang Panahon event na ginanap sa Philippine Arena—ang pinakapinag-uusapang event sa kasaysayan ng Philippine television.
Naging viral hindi lang ang kanilang mga eksena, kundi pati ang mga hugot lines, haranang may halong komedya, at values na itinuturo ng mga lola. Ang KalyeSerye ay hindi lang kwento ng pag-ibig, kundi isa ring plataporma ng kabutihang-asal, paggalang sa magulang, at pagpapanatili ng tradisyunal na Filipino values.
Tumagal ang KalyeSerye ng mahigit isang taon at nagbigay daan sa iba’t ibang proyekto para kina Alden at Maine pagdating sa pelikula, endorsements, at sariling TV shows.
Ngunit higit sa lahat, nag-iwan ito ng tatak sa puso ng mga Pilipino bilang isang natatanging kuwento ng pag-ibig na walang halong kaplastikan, at higit sa lahat, isang paalala na ang tunay na pagmamahalan ay may kasamang respeto, tiyaga, at tamang panahon.
Hanggang ngayon, binabalikan pa rin ng mga fans ang mga iconic moments ng AlDub at KalyeSerye—isang patunay ng hindi matitinag na epekto ng tambalang ito sa kasaysayan ng telebisyon sa Pilipinas. Sa katunayan, ginunita kamakailan ng fans at ika-10 anibersaryo nito.
Bakit iconic at phenomenal ito? Ang KalyeSerye ay hindi lamang isang love story. Isa itong kuwento ng sambayanang Pilipino—kung paano tayo humahanap ng pag-asa, tuwa, at inspirasyon sa gitna ng pang-araw-araw na hamon ng buhay.
KAUGNAY NA BALITA: Alden Richards, forever nasa puso ang KalyeSerye