Inihayag ni Vice President Sara Duterte na napag-usapan na raw nila ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu ng mga nawawalang sabungero.
Sa panayam ng kanilang mga tagasuporta sa The Hague, Netherlands noong Martes, Hulyo 15, 2025, ibinahagi niya ang magkaibang reaksyon nila ng kaniyang ama, hinggil sa tiyansang iugnay daw ang naturang isyu sa kanila.
“Sinabihan ko siya [FPRRD] na there is an attempt to link him to the missing sabungeros case. So, sabi niya that it's preposterous. Yes, It's preposterous,” ani VP Sara.
Para naman kay VP Sara, tila expected na raw niya iugnay sila sa mga nawawalang sabungero dahil sa mga pang-aatake raw sa Office of the Vice President (OVP).
“It is expected because we saw it early on with their attacks to my office,” anang Pangalawang Pangulo.
Matatandaang inihayag kamakailan ng testigong si Julie Dondon Patidongan o alyas “Totoy,” na ang mga pulis na tumira sa mga biktima ay ang mga pulis na sangkot din umano sa kontrobersyal na madugong kampanya kontra droga ni dating Pangulong Duterte.