Kinumpirma ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na nakatakda rin siyang magpasa ng courtesy resignation, kasunod ng pagsasaayos ng mga tauhan ng PCO.
Sa isang radio interview nitong Miyerkules, Hulyo 16, 2025, inamin niya na kasama siya sa nasabing mandato sa kanilang ahensya.
“Opo. Mayroon po. Kasama po tayo doon,” ani Castro.
Nang tanungin kung kailan siya magpapasa ng resignation, sagot ni Castro, “Ngayon.”
Paliwanag pa niya, “Para mabigyan din po siya ng leeway na makapamili kung sino po ang mga tao na pwede niyang makasama.”
Matatandaang ikinasa ang pagre-reshuffle sa hanay ng PCO matapos ang appointment ni PCO Sec. Dave Gomez, kung saan ibinalandra niya ang bago raw estratehiya ng kanilang ahensya na tatawaging, “3Ps Minus One,” (Programs and policies without politics).