Inihayag ni Sen. Imee Marcos na may niluluto siyang panukala maliban sa priority bills na kaniyang inilatag sa Senado.
Sa panayam ng ilang Duterte supporters sa kaniya sa The Hague, Netherlands noong Hulyo 15, 2025, binanggit niya ang layunin ng Senate Bill No. 552 na tatawaging “PRRD Bill.”
“May bago akong bill, ang President Rodrigo Roa Duterte Bill, which is SB No. 552, at ito ang nagpaparusa at ginagawang krimen ang extraordinary rendition. Hindi na dapat maulit itong nangyari kay Presidente [FPRRD], na kinidnap siya at dinala rito sa ibang bansa,” anang senadora.
Dagdag pa niya, “At papatawan natin ng parusa. Wala tayong masasabi dahil yung ICC, may proseso sila na kanila. Pero para sa atin sa Pilipinas, labag din sa ating batas ang nangyari. Kaya kailangan managot.”
Hirit pa niya, layunin din ng nasabing panukala na maparusahan ang mga nasa likod ng pagpapakulong kay dating Pangulong Duterte, na may pending case na sa Ombudsman.
“May Ombudsman case na nakatengga, yun nga lang naghihintay ako. Sana tapusin kasi magbabago na ang Ombudsman. Kinakabahan ako baka hindi na dinggin. Gano’n pa man, dapat dalhin natin yung kaso at pursigihin natin para managot ang talagang nag-utos nitong kababalaghan,” giit ni Marcos.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, inireklamo 5 top gov’t officials na sangkot sa pag-aresto kay FPRRD
Kasalukuyang nakadetine sa kustodiya ng ICC ang dating Pangulo na nahaharap sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD