Nagbigay ng komento si Akbayan Rep. Atty. Chel Diokno hinggil sa mga butong nakuha sa Taal na posible umanong konektado sa mga nawawalang sabungero.
Sa isinagawang press conference nitong Miyerkules, Hulyo 16, sinabi ni Diokno na panahon na raw upang higit na gawing siyentipiko ang pag-iimbestiga sa mga kaso.
“‘Yong isyu na ‘yan, kailangang makapagkonsulta ang ating pamahalaan sa mga forensic experts. And I think it’s about time na maging mas scientific ‘yong ating approach sa pag-iimbestiga ng mga kaso,” saad ni Diokno.
“Isa sa mga isinusulong ko kahit noon pa bilang isang human rights defender ay magkaroon tayo ng isang independent forensics laboratory, na wala sa chain of command ng PNP [Philippine National Police],” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa niya, “Nandiyan ang mga academe. Para sure tayo na kung maglalabas sila ng mga findings and conclusion, we can be sure that they are based on science.”
Matatandaang kamakailan lang ay lumutang din ang isa pang espekulasyon na ang mga nawawalang sabungero ay may kaugnayan din umano sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaya naman sa press conference ni Manila City 6th District Rep. Benny Abante noong Martes, Hulyo 15, inanunsiyo niyang naghain umano siya ng House resolution na naglalayong imbestigahan ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
MAKI-BALITA: Abante, naghain ng resolusyon para imbestigahan mga nawawalang sabungero