Pinabulaanan ng Palasyo ang kumalat na police report na nag-uugnay umano kay First Lady Liza Marcos sa pagkamatay ng business tycoon na si Paolo Tantoco.
Sa press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) UndersecretaryClaire Castro noong Martes, Hulyo 15, 2025, iginiit niyang kasinungalingan lang daw ang nasabing police report.
“Ang sinasabing police report na nai-post sa Facebook ay isang malaking kasinungalingan,” ani Castro.
Dagdag pa ni Castro, “Kahit kayo po mismo ay maaaring mag-imbestiga sa nasabing lugar, sa Beverly Hills Police Department, para malaman ninyo na iyong inilagay sa Facebook na may guhit na color pink, kung hindi ako nagkakamali, ang parteng iyon ay idinagdag lamang.”
Saad pa niya, idinagdag lamang daw ang pangalan ng Unang Ginang upang masira ang pangalan niya sa publiko.
“Nag-start ang mga salitang 'and the cause of initially suspected to be drug overdose, up to the word ending in 'Miro' iyan po ay idinagdag lamang. Ito ay mga gawain upang masira ang Unang Ginang, ang Pangulo at ang administrasyon na ito para sa pang-personal na interes,” saad ni Castro.
Ikinalulungkot daw ng Palasyo na nadadamay sa pampulitika ang mga pribadong taong nagluluksa lamang.
“'Nakakalungkot dahil iyong mga pribadong tao na nagluluksa ay nadadamay sa pamumulitika. Ginagamit ng ibang obstructionist para masira ang First Lady, ang Pangulo at ang administrasyon na ito. Nakakahiya ang kanilang mga ginagawa,” aniya.
BASAHIN: Business tycoon na si Paolo Tantoco, patay sa cocaine overdose!—LA examiner