December 16, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Ian De Leon, nagbabala laban sa mga grupong 'gumagamit' kay Nora Aunor

Ian De Leon, nagbabala laban sa mga grupong 'gumagamit' kay Nora Aunor
Ian De Leon (FB)

Naglabas ng pahayag ang aktor na si Ian de Leon sa kaniyang Facebook page upang bigyang-linaw ang umano’y paggamit ng pangalan sa kanilang yumaong ina—ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Broadcast Arts at tinaguriang Superstar na si Nora Aunor—ng ilang foundation at organisasyong wala umanong pahintulot mula sa kanilang pamilya.

Ayon kay Ian, bagama't lubos ang pasasalamat niya sa mga kaanak, kaibigan, tagahanga, at publiko sa walang sawang pagmamahal at pag-alala sa kaniyang ina, nais niyang ituwid ang ilang maling impormasyon na kumakalat sa social media.

"Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa suporta ng aking pamilya, mga kaibigan, mga tagahanga at publiko. Taos-puso kong pinahahalagahan ang patuloy ninyong pagmamahal at paggunita sa aking ina, ang yumaong Ms. Nora Aunor. Gayunpaman, nais ko pong magbigay ng isang mahalagang paglilinaw tungkol sa mga lumalabas sa social media na may kaugnayan sa aming ina," aniya.

Binigyang-diin ng aktor na hindi niya kinikilala, sinusuportahan, o pinahihintulutan ang anumang uri ng pangangalap o pagtanggap ng donasyon, salapi man o anumang bagay, mula sa alinmang grupo na ginagamit ang pangalan ni Ate Guy.

Tsika at Intriga

Umakbay pa nga! Kaila, Daniel magkasamang nanood ng concert?

"Para po sa kaalaman ng lahat wala po akong anumang kaugnayan o pakikilahok sa anumang pundasyon, organisasyon, o grupo na nagsasabing sila ay kumakatawan sa kanyang pangalan, imahe, o pamana."

"Dahil dito, hindi ko kinikilala, sinusuportahan, o pinahihintulutan ang anumang uri ng pangangalap o pagtanggap ng donasyon—salapi man o anumang bagay—mula sa alinmang grupo na may kaugnayan sa kanyang pangalan," paliwanag pa niya.

Idinagdag pa ni Ian na ang naturang pahayag ay layuning magbigay ng linaw sa publiko at upang mapangalagaan ang dignidad at pamana ng kanyang ina.

Si Nora Aunor ay isa sa pinakatinitingalang artista sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino, at ginawaran ng titulong Pambansang Alagad ng Sining noong 2022.

Sa kaniyang pagpanaw kamakailan, muling umigting ang interes at pagmamahal ng publiko sa kaniyang makulay na karera at personal na buhay. Gayunman, nananawagan si Ian sa publiko na maging maingat at mapanuri sa anumang grupong ginagamit ang pangalan ng kanyang ina, lalo na kung ito ay may kaugnayan sa pera o donasyon.

KAUGNAY NA BALITA: Nora Aunor, pumanaw na sa edad na 71