Hindi sasama si First Lady Liza Araneta Marcos sa nakatakdang pagtungo ng kaniyang asawang si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa Estados Unidos, sa Linggo, Hulyo 20.
Ayon sa panayam kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Atty. Claire Castro, Miyerkules, Hulyo 16, hindi raw makakasama si FL Liza kay PBBM sa kaniyang pagbisita sa Washington subalit ilang miyembro ng kaniyang Gabinete ang sasama naman sa Pangulo.
Hindi nagbigay ng detalye si Castro kung bakit hindi sasama ang Unang Ginang sa nabanggit na US trip.
Mula nang naupo bilang pangulo, apat na beses nang nakapagsagawa ng visit si PBBM sa US: United Nations General Assembly noong Setyembre 2022, 30th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting noong Pebrero 2023, pagkikita nila ng noo'y si dating US President Joe Biden, at sa US-Philippines-Japan Trilateral Summit noong Abril 2024.
Samantala, nilinaw naman ni Castro na "fake news" ang nag-viral na police report na nag-uugnay kay FL Liza sa pagkamatay ng business tycoon na si Paolo Tantoco, na ayon sa ulat, ay dahil sa cocaine overdose.
“Ang sinasabing police report na nai-post sa Facebook ay isang malaking kasinungalingan,” ani Castro.
Dagdag pa ni Castro, “Kahit kayo po mismo ay maaaring mag-imbestiga sa nasabing lugar, sa Beverly Hills Police Department, para malaman ninyo na iyong inilagay sa Facebook na may guhit na color pink, kung hindi ako nagkakamali, ang parteng iyon ay idinagdag lamang.”
KAUGNAY NA BALITA: ‘Kasinungalingan!’ Palasyo, iginiit na peke kumalat na police report tungkol kay FL Liza Marcos