Usap-usapan ang Facebook post ng isang page kung saan makakasama raw ang tinaguriang "Nation's Mowm" ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition na si Kapamilya singer Klarisse De Guzman, ang kaniyang "Nation's Son" na si Kapuso rising star Will Ashley, sa isang pelikula.
Batay sa post ng "CinemaBravo," isinama sa cast ng "Bar Boys: After School" si Klang, ang sequel ng pelikulang Bar Boys ni Kip Oebanda.
Sa pasilip nila sa larawan ng dalawa sa unang shooting day, makikitang magkayakap sina Klang at Will na pamilyar na eksena sa loob ng Bahay ni Kuya.
"#KlarisseDeGuzman plays the breadwinner sister of a law student. Hilarious, optimistic and a hopeless romantic. She becomes the support system of a law school study group. The fan club president of former teleserye leading man and current law student, Josh Zuniga," mababasa sa kanilang post.
Si Will ay gaganap sa pelikula bilang isang working student na nagsisikap makatapos ng Law.
Samantala, ibinahagi naman ni Will sa kaniyang Instagram story ang larawan nila ng kaniyang Ate Klang.
Wala pang reaksiyon, tugon, o kumpirmasyon mula rito sina Klarisse at Will, o sinumang bumubuo sa pelikula, pero kung totoo man ito, talaga namang excited na ang PBB fans na makita ang first acting ni Klang sa pelikula.