December 21, 2025

Home BALITA Probinsya

#CrisingPH nasa Catanduanes, posibleng lumabas ng PAR sa Sabado

#CrisingPH nasa Catanduanes, posibleng lumabas ng PAR sa Sabado
Photo courtesy: DOST-PAGASA (X)

Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa galaw ng Tropical Depression Crising, na huling na-monitor sa layong 625 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes ayon sa ulat ng DOST-PAGASA bandang 5:00 ng hapon ng Miyerkules, Hulyo 16.

Taglay ng naturang sama ng panahon ang lakas ng hanging umaabot sa 45 kilometro kada oras, habang ang bugso nito ay maaaring umabot sa 55 kilometro kada oras. Kasalukuyan itong kumikilos patungong kanluran timog-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Bagaman wala pang inilalabas na babalang wind signal sa alinmang bahagi ng bansa, inaasahan pa ring makakaapekto ang nasabing sistema sa ilang rehiyon. Magiging maulap ang panahon na may kasamang panaka-nakang pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Bicol Region, Eastern Visayas, at ilang bahagi ng Luzon at Mindanao gaya ng Isabela, Aurora, Quezon, Dinagat Islands, at Surigao del Norte.

Sa pagtaya ng mga eksperto, maaaring lumapit o tumama sa kalupaan ng Cagayan o Babuyan Islands ang sentro ng bagyo sa pagitan ng gabi ng Biyernes at madaling araw ng Sabado. Posible rin itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng hapon o gabi ng Sabado.

Probinsya

Paslit na may dalang ₱500, hinostage ng umano'y adik sa Marawi City

May posibilidad na umabot sa kategoryang tropical storm ang Crising sa umaga ng Hulyo 17, at habang nananatili ito sa Philippine Sea, posibleng lumakas pa ito sa antas ng severe tropical storm sa Biyernes. Hindi rin isinasantabi ng PAGASA ang posibilidad na ito'y umabot pa sa kategoryang bagyo o typhoon bago ito lumabas ng bansa.

Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at subaybayan ang mga susunod na abiso ukol sa panibagong sama ng panahon.