Nagulat ang fans at supporters maging ang Pinoy netizens nang tumambad sa America's Got Talent (AGT) si American Idol Season 11 1st runner-up Fil-Am singer Jessica Sanchez bilang isang contestant.
Muling pinatunayan ni Jessica ang kaniyang kahusayan sa musika matapos niyang makatanggap ng Golden Buzzer sa pinakabagong episode ng AGT.
Sa kaniyang emosyonal at makapangyarihang pagtatanghal ng kantang “Beautiful Things” ni Benson Boone kasama ang isang live band, napuno ng sigawan at palakpakan ang buong studio.
Bumilib hindi lamang ang mga manonood kundi maging ang mga hurado sa taas at linaw ng kaniyang boses, dahilan upang makatanggap siya ng standing ovation pagkatapos ng kaniyang performance.
Nagpahayag ng paghanga ang mga hurado sa galing ni Jessica. Ayon kay Simon Cowell, na isa rin sa mga hurado ng American Idol noon, ramdam ang pagmamahal ng audience kay Jessica.
Ibinahagi naman ni Jessica na happily married na siya at nag-eexpect na sila ng anak.
Si Howie Mandel naman ay nagsabing sulit ang halos dalawang dekadang paghihintay mula noong una siyang sumikat. Samantala, si Sofia Vergara ay nagpahayag ng mas personal na damdamin para kay Jessica. Sa katunayan, siya ang pumindot ng Golden Buzzer para sa kaniya. Tumayo siya mula sa kanyang upuan, lumapit kay Jessica at niyakap ito habang lumuluha ang singer sa labis na tuwa.
Ang Golden Buzzer ay isang espesyal na gantimpala sa kompetisyon kung saan ang isang contestant ay diretsong uusad sa live shows, hindi na kailangang sumailalim sa mga susunod pang audition rounds.