Pumanaw na ang kinikilalang “world's oldest marathon runner,” na si Fauja Singh, 114-anyos, matapos umano siyang ma-hit-and-run sa Jalandhar, India.
Ayon sa mga ulat, nagmula ang kumpirmasyon sa pagkamatay ni Fauja, mula sa kaniyang biographer na si Khushwant Singh, matapos ang kaniyang X post noong Lunes, Hulyo 14, 2025.
“My Turbaned Tornado is no more,” ani Khushwant.
Dagdag pa niya, “"He was struck by an unidentified vehicle... in his village, Bias, while crossing the road. Rest in peace, my dear Fauja.”
Bagama’t wala siyang pormal na birth certificate, ayon sa pamilya ni Fauja, noong Abril 1, 1911 daw siya ipinanganak.
Kinilala ng buong mundo ang husay at dedikasyon ni Fauja sa full marathons matapos ang hindi niya pagbitiw dito sa kabila ng kaniyang pagtanda. Bagama’t nasa 100-anyos na si Fauja, nagawa pa rin niyang makatapos ng full blown 42 kilometers sa marathon.
Tuluyan naman siyang umalis sa spotlight sa kaniyang huling official race noong 2013 Hong Kong Marathon matapos niyang kompletuhin ang 10-kilometer category sa edad na 101 taong gulang sa loob lamang ng 32 minuto at 28 segundo.
Sa kabila ng kaniyang mga tagumpay, hindi siya kinikilala ng Guinness World Records, bunsod ng usapin ng kaniyang birth certificates.