Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng pagkalulong sa online gambling ng marami, isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ang pagpapatupad ng total ban sa lahat ng uri ng online gambling sa buong Pilipinas.
Sa isang press conference sa Senado ngayong Martes Hulyo 15, iginiit ni Tulfo ang pangangailangang agarang tugunan ang lumalalang problema sa lipunan na aniya’y sumisira na sa maraming pamilya at indibidwal.
Ayon sa senador, hindi na maikakaila ang masamang epekto ng online gambling addiction sa mga Pilipino, at maaari pa itong humantong sa disgrasya.
Bilang patunay ng panganib, binanggit ni Tulfo ang viral na video sa social media kung saan makikitang nahuli sa akto ang isang driver ng bus na naglalaro ng online gambling app na "scatter" habang nagmamaneho, isang napakapeligrosong gawain na maaaring ikapahamak ng mga pasahero.
Tinukoy rin ni Tulfo ang pagiging madaling ma-access ng mga online gambling platforms, dahilan kaya’t maging ang mga kabataang Pilipino ay naaakit at nalululong na rin dito. Dahil dito, nangako ang senador na maghahain siya ng panukalang batas sa susunod na linggo na maglalayong tuluyang ipagbawal ang online gambling sa bansa.
Habang hinihintay ang pormal na pagsumite ng panukalang batas, nananawagan muna si Sen. Tulfo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ipatigil ang lahat ng uri ng advertisement para sa online gambling, sa anumang plataporma, upang hindi na lalo pang mahikayat ang publiko, lalo na ang kabataan, na subukan ito.