Layunin umano ni Manila City 3rd District Rep. Joel Chua na maisulong ang isang panukalang batas para gawing mas abot-kaya pa ang presyo ng mga cellphone sa matatanda.
Sa latest episode ng “Morning Matters” nitong Lunes, Hulyo 14, ibinahagi ni Chua ang nagtulak sa kaniya para gawin ang House Bill (HB) No. 1404 na aamyenda at magpapalawak pang lalo sa saklaw ng Republic Act (RA) No. 7432 o Senior Citizens Act.
“Nakikita naman natin na halos lahat ngayon papunta na sa app, e. Talagang medyo hi-tech na ‘yong mga transactions ngayon. Gusto naman natin na [‘wag] mapag-iwanan ‘yong mga senior citizens.
“But we want of course na…makapag-produce din ‘yong mga gumagawa ng cellphone na senior-friendly na cellphone. Kasi siyempre hindi naman lahat talaga techy, e,” pagpapatuloy niya.
Dagdag pa ng kongresista, “Saka we want cellphone na medyo affordable. Kasi alam naman natin ngayon na talagang hindi na siya luho, e. Parang necessary na siya sa lahat ng tao.”
Ayon kay Chua, kung maaari daw, masaklaw ng diskwento ang lahat ng klase ng cellphone.
Ngunit dadalhin pa naman daw sa committee level ang panukalang batas kaya magtitimbang pa rin siya sa mga opinyong ibibigay ng mga nagbebenta ng nasabing gadgets.