Viral sa social media ang video ng isang 30-anyos na pulis matapos siyang magwala, manutok at magpaputok ng baril sa Lucena, City sa Quezon.
Ayon sa mga ulat, lasing ang naturang pulis na kinilalang si Patrolman Rodolfo Avila Madlang-awa na nakadestino raw sa Lopez, Quezon.
Mapapanood sa nagkalat na CCTV footage ang pagwawala ng pulis sa isang tindahan habang pilit na itinututok ang kaniyang baril sa kausap sa loob ng nasabing tindahan.
Lumalabas sa imbestigasyon na bumibili raw ng yelo noon ang suspek ng mangyari ang insidente,
Bukod sa kaniyang kausap sa loob ng tindahan, isang binatilyo rin ang tinutukan pa ng baril ng suspek na noo'y bibili lang sana ng sigarilyo. Matapos ang ilang sandali, nagpaputok na ng baril ang suspek sa ibang direksyon.
Dalawang magkasintahan pa raw ang muling tinutukan ng baril ng pulis na maswerteng nakatakbo matapos silang papasukin ng may-ari ng tindahan.
Samantala, matapos ang naturang insindente, mismong ang kapatid daw ng suspek na isang pulis din ang nagsuko sa kaniya sa presinto.
Hindi pa tukoy ang pinagmulan nang pag-aamok ng suspek. Nasa kustodiya na siya ng Lucena Custodial Facility na nahaharap sa pating-patong na kaso ng grave threats, unjust vexation, physical injury at illegal discharge of firearms. Nakaamba rin siyang tuluyang masibak sa serbisyo.