Kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros ang mga kompanyang nasa likod ng e-wallets at super applications na tahimik sa pinsalang dulot ng online gambling.
Sa latest Facebook post ni Hontiveros nitong Lunes, Hulyo 14, sinabi ni Hontiveros na umaasa raw siya na magpapatupad din ng regulasyon ang mga kompanyang ito na siyang dahilan kung bakit napadali ang akses sa pagsusugal.
“Sa dami ng reklamo na napadali ng e-wallets at super apps ang online gambling, bakit tila tahimik ang mga kumpanyang ito? Umaasa akong magkakaroon rin sila ng sarili nilang regulasyon dahil hindi biro ang mga buhay na nasira at pwedeng masira dahil sa online gambling,” saad ni Hontiveros.
Ayon sa kaniya, dagsa umano ang mensaheng natatanggap ng opisina niya sa Senado dahil sa pagkakalulong ng maraming Pilipino sa bisyo ng pagsusugal.
“Sa ganitong sitwasyon, hindi na sapat ang pagsunod lamang sa batas. Kailangan din nating makiisa,” anang senadora.
Matatandaang nauna nang naghain ng panukalang batas si Hontiveros upang proteksyunan ang mga Pilipino sa mapaminsalang epekto ng online gambling.