Natimbog ng pulisya ang isang 19 taong gulang na binata matapos niyang tangkaing manawakan ang isang automated teller machine (ATM) sa isang bangko sa Barangay Lagao, General Santos City.
Ayon sa mga ulat, nakuhanan sa CCTV ang pagtatangkang pagnanakaw ng suspek dala ang ilang gamit sa pag-asang mabubuksan niya ang nasabing ATM —ngunit kalauna'y umalis din ang suspek matapos na bigo itong mabuksan.
Agad namang ipinagbigay-alam ng management ng bangko sa mga awtoridad ang nangyaring insidente.
Bunsod nito, nagkasa ng hot pursuit operation ang pulisya kung saan mabilis na nahuli ang suspek.
Lumalabas na matagal na raw nasa surveillance ang suspek dahil sa mga isinampa na ring reklamo laban sa kaniya bunsod ng pagnanakaw. Pinaghihinalaang sangkot din umano siya sa naging nakawan sa isang Japan Surplus sa nasabing lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibilidad na baka raw sangkot ang suspek sa mas malaki pang grupo ng mga magnanakaw sa iba't ibang lugar.