Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III na kumpirmadong may ilang buto raw ng tao ang narekober sa mga sakong nakuha ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa Taal Lake.
Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, Hulyo 14, 2025, sinabi ni Torre na nakahalo ang naturang mga buto ng tao sa ilang buto ng hayop sa loob ng narekober na mga sako.
“Halo-halo 'no kasi alam niyo naman may farm diyan sa lugar na 'yan. May farm, ang Taal ay farming 'yan. So andiyan na lahat ng makikita natin. May mga na-recover na mga animal remains, may human,” ani Torre.
Saad pa ni Torre, kinakailangan daw magkaroon ng proseso sa paghihiwalay at pagtukoy ng buto ng hayop at buto ng tao.
“Mix-mix na ang ating mga tinitingnan ngayon. Kaya kasama sa ating processing diyan ang mag-differentiate kung ito ba ay animal origin o human origin,” anang PNP Chief.
Matatandaang noong Huwebes, Hulyo 11 nang magsimula ang paglusong ng tropa ng PCG sa Taal Lake para sa search and retrieval operation sa paghahanap ng mga nawawalang bangkay ng mga sabungerong pinaniniwalaang sa Taal Lake itinapon.
KAUGNAY NA BALITA: Sunog na mga butong nadekwat sa Taal lake, tao kaya?
Tinatayang nasa limang sako na raw ang nakukuha ng PCG magmula nang umarangkada ang kanilang operasyon.