Mixed emotions ang naramdaman ng fans dahil matapos ang higit isang dekada, muling nagsama-sama sa iisang entablado ang orihinal na miyembro ng F4 na sina Jerry Yan, Ken Chu, Vanness Wu, at Vic Chou—sa isang espesyal na pagtatanghal noong Sabado, Hulyo 12, 2025, sa Taipei Dome.
Ang pag-awit ng iconic nilang kantang "Meteor Rain" sa ika-25 anibersaryo ng Taiwanese rock band na Mayday ang naging hudyat ng kanilang muling pagsasama, na ikinagalak ng mga tagahanga mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ito ang kauna-unahang pagkakataong nagsama-sama sa isang live performance ang sikat na Taiwanese boy group mula noong kanilang huling paglabas sa entablado noong 2013 sa China Spring Festival Gala.
Umapaw sa kasiyahan ang social media kung saan nagpaabot ng pagbati at emosyon ang mga fans na matagal nang naghihintay sa pagbabalik ng grupo.
Unang sumikat ang F4 noong 2001 sa pamamagitan ng phenomenal series na Meteor Garden, ang adaptasyon ng Japanese manga na Hana Yori Dango, kung saan nakatambal nila ang yumaong aktres na si Barbie Hsu na gumanap bilang Shancai.
Bagay na ikinalungkot naman ng fans dahil na-miss daw nila ang aktres na namatay noong Pebrero. Ang dahilan daw ng pagkamatay ng aktres na sumikat nang husto dahil sa Meteor Garden, ay mga kumplikasyong dulot ng "influenza-related pneumonia."
Naulila ni Barbie ang kaniyang mister na South Korean singer na si DJ Koo Jun-yup, at dalawang anak na isang 10-year-old daughter at 8-year-old son mula sa ex-husband na si Wang Xiaofei.
Inalala naman ng mga avid fan ng Meteor Garden ang phenomenal na pagganap ni Barbie bilang Shancai na talaga namang pumatok hindi lamang sa mga Pinoy kundi sa iba pang panig ng bansa; sa katunayan nga ay nagkaroon ng iba't ibang bersyon ng Meteor Garden dahil sa sobrang hit nito.
Noong 2001, isang Taiwanese drama ang dumating sa Pilipinas at nagdulot ng hindi matatawarang kasikatan—Meteor Garden. Hindi ito ang unang Asian drama na umere sa bansa, ngunit ito ang nagpasimula ng matinding "Asianovela fever" na tumatak sa kulturang Pilipino.
Umeere na ang Meteor Garden sa Taiwan noong 2001, ngunit nang ipalabas ito sa Pilipinas noong 2003 sa ABS-CBN, biglang sumabog ang kasikatan nito. Ang kuwento ng mayamang grupo ng estudyante na tinatawag na F4 na nagpa-"powertrip" sa mga kakaya-kayanan nilang mga kapwa estudyante (at maging propesor) at ang kanilang love-hate relationship kay Shan Cai ay tumagos sa puso ng maraming Pilipino, lalo na ng kababaihan at mga kabataang nahumaling sa kanilang karisma.
Maituturing na penomenon ang Meteor Garden sa kasaysayan ng Philippine TV dahil halos lahat ay nakatutok dito pagsapit ng hapon sa Kapamilya Network, na naging dahilan para "mabulabog" ang karibal nilang GMA Network, kaya't naghanap din sila ng panapat na Asian drama (My MVP Valentine).
Ang epekto ng Meteor Garden ay lagpas sa simpleng panonood ng TV. Sa panahon ng pag-ere nito, naging bahagi ito ng pang-araw-araw na usapan sa eskwelahan, opisina, at tahanan. Sa tuwing papalapit na ang oras ng Meteor Garden, tila nagiging "ghost town" ang ilang lugar dahil ang lahat ay nakatutok nga sa kanilang telebisyon.
Kasabay ng kasikatan at pamamayagpag ng serye, naging instant superstars ang F4 sa Pilipinas. Ang kanilang album, na naglalaman ng theme song na "Qing Fei De Yi", ay naging best-seller. Marami rin ang nagsimulang matutong kumanta ng Mandarin lyrics kahit hindi nila naiintindihan ang ibig sabihin nito. Ginaya rin ng marami ang hairstyle nila gayundin ang inilalagay na panyo ni Dao Ming Si sa kaniyang noo.
Nagkaroon ng sandamakmak na Meteor Garden-related merchandise—mula sa posters, songhits, notebooks, at keychains hanggang sa pirated VCDs at DVDs. Ang F4-themed items ay bumaha sa mga tiangge at malls. Dahil sa matinding suporta ng mga Pilipino, dumalaw ang F4 sa bansa para sa kanilang concert, na tinangkilik ng libo-libong tagahanga, na talaga namang isa sa mga inabangang concert noon.
Ang Meteor Garden ang nagbukas ng pinto para sa iba pang Asian dramas sa Pilipinas. Dahil sa tagumpay nito, sunod-sunod ang pagpasok ng iba pang Taiwanese, Korean, at Japanese dramas tulad ng Lovers in Paris, Princess Hours, Boys Over Flowers, at marami pang iba.
Hindi lamang ito isang simpleng drama sa telebisyon—bahagi na rin ito ng kasaysayan ng kulturang popular sa Pilipinas. Hanggang ngayon, nananatili itong iconic, at tuwing may rerun o remake, bumabalik ang alaala ng matinding kilig at saya na dala nito sa maraming Pilipino noong early 2000s. Sa katunayan, maging ang GMA Network ay nagpalabas na rin ng rerun nito. Ang ABS-CBN naman, patuloy na ipinalalabas ang iba pang bersyon nito sa ibang bansa gaya na lamang ng "Boys Over Flowers" ng South Korea, bersyon ng Thailand, at bersyon ng China.
Kahit nagsulputan na sa iba't ibang streaming sites ang Asian dramas lalo na sa South Korea, mananatiling espesyal ang Meteor Garden bilang orihinal na Asianovela fever na tumatak sa puso ng Pilipino.
BASAHIN: BALITAnaw: Si Barbie Hsu at ang 'Meteor Garden fever'
Samantala, lumutang ang balitang muling magsasama-sama ang grupo para sa isang reunion concert sa 2026 bilang bahagi ng ika-25 anibersaryo ng kanilang debut.
Ayon sa ulat ng The Straits Times ng Singapore, pumayag na umano ang mga miyembro sa planong konsiyerto at posible ring magkaroon ng Asian tour sa labas ng Taiwan at China.
Gayunpaman, wala pang opisyal na pahayag ang inilalabas mula sa grupo o sa kanilang ahensya hinggil sa nasabing reunion concert sa susunod na taon.