Nagbigay ng mensahe si Vice President Sara Duterte kaugnay sa ipinagdiriwang na National Disaster Resilience Month ngayong Hulyo.
Sa video statement ni VP Sara nitong Lunes, Hulyo 14, sinabi niyang prayoridad ng bawat isang matiyak na handa at kayang tumugon ang mga komunidad sa kalamidad.
“Ang ating kahandaan laban sa mga kalamidad ay ang pundasyon ng ating lakas bilang isang bansa,” saad ni VP Sara.
Dagdag pa niya, “Magtatagumpay tayo kung tutulong tayo sa pagsiguro na ang bawat pamilya sa ating mga komunidad ay may sapat na kaalaman hinggil sa mga sakuna.”
Kaya naman panawagan ng bise presidente sa mga Pilipino, maging maagap o proactive na miyembro ng komunidad.
“Sa ating pagkilos, sa ating paghahanda, nariyan ang pangako ng isang ligtas at matatag na kinabukasan na maipapamana natin sa ating mga anak,” ani VP Sara.